REBYU NG PELIKULANG “A SECOND CHANCE”

a-second-chance-movie-poster

Ni Ferl Diane S. Siño

I. KWENTO O BANGHAY

Ang pelikulang A Second Chance ay isang pelikulang Pilipino na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz (Popoy) at Bea Alonzo (Basha) sa direksiyon ng isang batikang direktor na si Cathy Garcia-Molina. Ang pelikulang ito ay sequel sa pelikula ni Molina noong 2007 na One More Chance. Ito ay ipinalabas noong Nobyembre 25, 2015 at pumatok ito sa takilya kaya sa unang araw pa lamang ng pagpapalabas nito sa mga sinehan ay kumita ito ng ₱43 milyon at umabot ng mahigit ₱556 milyon ang kinita nito sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang pelikulang ito ay tungkol sa unang pitong taon ng pagsasama bilang mag-asawa nina Popoy at Basha. Ang kwento ay nagsimula sa pagbibigay daan ni Popoy sa kanilang pagmamahalan ni Basha –ang kanilang pagpapakasal. Mas pinili at inuna ni Popoy ang pagpapakasal kay Basha kaysa ipagpatuloy ang pagtupad ng kanyang pangarap sa Europa. Binuo nila ang kanilang mga pangarap bilang mag-asawa na makapagtayo ng negosyo na aakma sa kanilang propesyon bilang inhinyero at arkitek.

Walang perpektong relasyon at ang lahat ay dumaranas ng mga problema o hamon sa buhay. Sa kanilang ika-pitong taon ng pagsasama ay mayroong matinding pagsubok ang dumating sa kanila nakaapekto ng lubos sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Sobrang dinamdam ni Basha nang siya ay makunan at pinilit ni Popoy na itago ang nararamdamang lungkot at pagkadismaya dahil sa nangyari. Pagkatapos naman noon ay gumuho ang parte ng gusali na ipinapatayo ni Popoy at dahil doon, kinailangan niyang gastusan ang nasira upang hindi mawala sa kanila ang proyekto. At sa mga “bidding” naman ay hindi sila pinalad at higit sa lahat, nabaon ang kompanya nila sa utang.

Nagpatuloy na magsumbatan ang mag-asawa dahil sa nangyari sa kanila ngunit tinutulungan naman sila ng kanilang mga kaibigan upang magka-ayos. Sa paglipas ng mga araw, nagbago ang bawat galaw ng dalawa. Nilihim ni Popoy sa asawa ang tunay na estado ng kanilang kompanya. Ngunit nagpumilit si Basha na magtrabaho dahil pakiramdam niya ay may mali na sa mga nangyayari at doon niya natuklasan ang tunay na kalagayan ng kanilang negosyo at unti-unti siyang nawalan ng tiwala kay Popoy. Inayos ni Basha ang mga dapat ayusin sa kompanya. Hindi pumayag si Basha sa gusto ni Popoy tungkol sa Calamity Proof Structure na nais nitong ipatayo kaya ipinahinto niya ito. Lumayo sila sa piling ng isa’t isa. Plinano ni Popoy na pumunta ng Europa upang tuparin ang kanyang pangarap. Sa huli ay nagkabalikan sila at nangakong mas pagtitibayin pa ang kanilang relasyon.

Masasabing naging kawili-wili ang banghay ng pelikulang ito dahil bukod sa pagiging payak ay nag-iwan ito ng kapani-paniwalang mga pangyayari at kakintalan sa mga manonood. Mapapansin din ang natural na daloy ng mga pangyayari at ipinakikita kung ano talaga ang realidad ng buhay lalo na sa relasyon ng mag-asawa. Bagaman madaling nahulaan ang wakas ng pelikulang ito ay naging kasabik-sabik pa din ang bawat eksena at tagpo sa pelikula.

II. TEMA

Maganda at mahusay ang tema ng pelikulang ito na talaga namang makikita ng mga manonood na pinag-isipang mabuti. Ang tema ay angkop para sa lahat kung saan ipinararating nito na ang lahat ng tao ay nagkakamali ngunit hindi iyon sapat na rason o dahilan upang layuan at iwanan natin sila, bagkus ito dapat ay maging dahilan upang matulungan natin sila dahil lahat ng tao ay may karapatang mabigyan ng pangalawang pagkakataon para maitama at maiayos ang kanilang nagawang pagkakamali.

III. KARAKTER AT PAGGANAP

Ang pelikulang A Second Chance ay pinagbibidahan ng kapita-pitagan at mahusay na aktor at aktres na si John Lloyd Cruz na gumanap bilang Popoy at si Bea Alonzo na gumanap bilang Basha. Hindi matatawaran ang husay ng pagganap nina Bea at John Lloyd bilang mag-asawa at napakaganda ng kemistri ng dalawang ito kapag sila ang nagsasama sa pelikula. Ang pag-arte o pagganap ni Bea bilang Basha ay talagang napakagaling at nagampanan niya ng maayos ang papel bilang asawa ni Popoy. Ang kanyang pag-arte ay puno ng emosyon at makikita na talagang isinapuso niya ang karakter. Ang pag-arte o pagganap naman ni John Lloyd bilang Popoy ay hindi rin matatawaran dahil napakagaling din niyang naipakita sa mga manonood ang karakter na si Popoy at talagang madarama ng mga manonood ang emosyong inilalabas nito. Ang mga linya na kanilang binitawan sa pelikula ay tumatak sa maraming manonood.

Nabigyan naman ng dalawang artistang ito ng hustisya ang mga karakter na kanilang ginampanan at naiatang sa kanila. Hindi nila binigo ang mga manonood sa kanilang pag-arte at nahigitan pa nila ang ekspektasyon sa kanila ng mga tao. Kapansin-pansin din ang dedikasyon ng mga aktor at aktres na gumanap dito bukod sa mga bida. Maliit man ang gampanin ng ilang artista, nakatulong pa rin ito upang maiparating ang maayos na mensahe o koneksyon ng bawat tauhan sa mga pangyayari at nasuportahan nila ang takbo ng kwento ng pelikula.

IV. ISKRIP

Ang iskrip ay mayroong malaking gampanin na ginampanan sa pelikulang ito at naging malaki itong tulong upang mas maipakita at maging malinaw ang mensaheng nais iparating ng pelikula sa mga manonood. Naging makatotohanan ang mga pag-uusap at palitan ng mga linya ng mga aktor at aktres. At talaga namang tumatak ang mga linya ng mga aktor at aktres sa pelikula gaya na lang ng sinabi ni Popoy (John Lloyd), sa lahat ng siguro, isa lang ang sigurado ako, Bash. Mahal na mahal kita.” At ang sinabi ni Basha (Bea) na, “kung gaganituhin mo lang din ako eh di sana hindi na tayo nagbalikan.” At isa pang linya na sinabi naman ni Krizzy (Dimples Romana), “kung nahihirapan kang pagkatiwalaan siya, pagkatiwalaan mo muna ang pagmamahal mo sa kanya.”

Sa pamamagitan ng iskrip, naging organisado ang daloy ng banghay. Mawawalang bahala ang banghay o ang mga pangyayari kung wala ang iskrip na magbibigay buhay sa bawat detalye ng pelikula. Sa pamamagitan din nito ay mas nadama ng mga manonood ang kwento ng pelikula.

V. SINEMATOGRAPIYA

Sa simpleng storya at takbo ng pelikula nakita na kung ikukumpara  ito sa henerasyon ngayon, higit na yumaman ang sining ng sine ngayon. Ang mga disenyo ay simple lamang at akmang-akma sa nais ipahiwatig ng storya. Kung kaya mas napagtuunan ng pansin ang pagsulat, pagplano, at pagpapaganda ng storya.

Mapapansing ang kamera ay ginamit at pinagalaw nang maayos simula sa umpisa hanggang sa magwakas ang kwento upang mas mabigyang-diin ang mga pangyayari, damdamin, at tagpo sa pelikula. Ang kamera ay ipinosisyon sa iba’t ibang anggulo at gumamit ng iba’t ibang layo ng kamera sa kinukunan. Malimit na ginagamit ang pagpopokus sa mukha ng bawat tauhan sa tuwing mayroong matinding mga linyang binibitawan. Sa pamamagitan nito, mas naipakikita ang emosyong namayani sa mga tauhan sa pelikula.

VI. MUSIKA

Ang musika at tunog ay naging malaking tulong sa pelikulang ito dahil sa pamamagitan nito ay napalitaw ang kahulugan ng storya at napatingkad ang atmospera at damdamin upang ang bawat eksena ay tunay na madama ng mga manonood. Nakatulong ang musika at tunog sa pagpapadama ng tunay na kalungkutang kalakip ng pelikulang ito.

Ang kantang “I will be here” ni Juris ay akmang-akma sa pelikula dahil ang mensahe ng kantang ito ay umaangkop para sa storya ng pelikula. Dahil sa pagdaragdag ng mga ganitong musika at tunog, mas naantig ang damdamin ng mga manonood at mas nakita nila ang katotohanan ng bawat emosyong nakikita sa mga tauhan ay nangyari sa totoong buhay.

VII. EDITING

Naipamalas sa pelikula ang natural na daloy ng mga pangyayari sa mga nasaksihang eksena, mapapansin ang mahusay at maayos na pagkaka-edit dahil hindi halata ang pagputol ng mga bahagi mula umpisa hanggang sa katapusan ng pelikula. Dahil dito, mas nabigyang-daan ang tunay na nilalaman nito upang makita ng mga manonood. Ang pag-edit ay talagang nakatulong para matuklasan at tunay na maunawaan ang paksa, banghay, at iba pang kaangkop nito. Sa pamamagitan ng hindi pagsama ng mga bahaging hindi naman ganoon kahalaga, mas madaling naunawaan ang takbo ng storya at mas gumanda ang laman ng pelikula dahil detalyado ang pagpapalabas ng bawat bahagi at walang nakasagabal sa daloy ng pangyayari.

VIII. KABUUANG DIREKSIYON AT PRODUKSIYON

Sa umpisa pa lamang ng pelikula ay kinakitaan na ito ng maayos na daloy ng mga pangyayari at hanggang sa matapos ito ay maayos pa din ang takbo ng kwento. Dahil dito, masasabi naging matagumpay ang direksiyon ng pelikulang ito. Kitang-kita ang kontrol ng direktor sa tagpuan, pagganap ng mga artista, posisyon o galaw ng kamera, pagsasaayos ng banghay, at ang pagbabawas o pagdaragdag ng iskrip dito.

Sa kabilang banda, naisakatuparan din naman sa malikhaing paraan ang pook, tagpuan, makeup, kasuotan, at kagamitan na nagpalitaw ng panahon, kapaligiran, at katauhang hinihingi ng realidad ng pelikula. Halimbawa na lamang sa kasuotan, nabigyang-diin ang ganap ni Popoy bilang inhinyero sa pamamagitan ng pagsusuot ng uniporme ng tunay na inhinyero at nabigyang-diin din ang naging estado sa buhay ni Basha noong sila ay medyo kinapos na sa salapi ay pangkaraniwang damit na lamang ang kanyang sinuot. Sa lahat ng ito, masasabing naging matagumpay ang direktor at buong production team sa pag-abot ng tunay nilang layunin.

IX. ARAL AT PAGPAPAHALAGA

Tunay ngang maraming aral ang mapupulot sa pelikulang ito gaya na lamang ng ang pagpapatawad ay isang bagay na nakapagpapalaya sa iyo dahil kapag ang tao ay nagpatawad mas gumagaan ang buhay. Isa pa ay huwag parating pairalin ang ego at pride dahil kung mayroong taong importante ay mas iiral dapat ang pagmamahal para sa taong iyon kaysa sa ego at pride. Ipinahihiwatig din ng pelikulang ito na kahit anong pagtatago ang gawin mo sa katotohanan, lalabas at lalabas pa din ito kaya mabuting sa una pa lang ay sabihin na kung ano ang problema dahil walang mabuting naidudulot ang pagsisinungaling. Ipinakita rin sa pelikula na sa kahit ano mang relasyon, huwag hayaang sirain ito ng sariling ambisyon at pagmamahal sa pera. At panghuli ay hindi masusukat o mahuhusgahan ang isang tao base lang sa kanyang maling nagawa dahil lahat naman ng tao ay nagkakamali at may karapatang mabigyan ng pangalawang pagkakataon para maitama ang pagkakamaling nagawa.

X. REKOMENDASYON

Inirerekomenda lamang na mas gawing kapana-panabik ang wakas at huwag gumamit ng “predictable” na wakas ng storya dahil kung makabubuo ng kakaibang wakas ay makatutulong ito para mas mapaganda ang pelikula.

Sa kabuuan ay naging maganda naman ang takbo ng pelikula at maayos itong nailahad at naipakita sa mga manonood kaya naman naging patok ito sa maraming Pilipino at maraming mga manonood ang tiyak na nakapulot ng mga aral na nais iparating sa mga manonood ng pelikula na hindi lamang ito para sa mga mag-asawa o sa mga nagmamahalan, kung hindi para rin sa lahat.

Leave a comment